Caridad Macaranas Natividad (1938 – 2023)
Payapang pumanaw noong Abr. 5, 2023 si Propesor Caridad Macaranas Natividad, retiradong propesor ng Linangan (dating Departamento) ng Matematika, UP Diliman, sa edad na 84. Si Prop. Natividad ay naging kasapi ng Kaguruan mula 1961 hanggang 2004, at nagpatuloy bilang Professorial Lecturer mula 2005 hanggang 2008. Naging Faculty Affiliate at Lecturer din siya sa UP Open University. Isang minamahal at hinahangaang guro, si Prop. Natividad ay kinilala bilang tagapagsulong ng paggamit ng wikang Filipino sa pagturo ng Agham at Matematika. Pinarangalan siya ng Gawad Chancellor para sa Pinakamahusay na Guro sa Pagtuturo ng Filipino noong 2005. Kabilang sa mga kagiliw-giliw niyang mga lektyur ay ang ‘di malilimutan na “Ginintuang Parihaba, Maladiyosang Proporsyon” at “Bubuyog at Gagamba, Bulaklak at Diyamante, Number Sense, Meron Sila”. Kabilang din siya sa henerasyon ng mga guro na iginalang dahil sa pagtaguyod ng General Education Mathematics program, kung saan tinuring na tagapanguna ang mga nailimbag na aklat na “Lecture Notes in General Education” at “Matematika para sa Pangkalahatang Edukasyon”.
Pinanganak sa Inabanga, Bohol noong Nob. 22, 1938, at lumaki sa Malasiqui, Pangasinan, si Ma’am Caring ay nagtapos ng BS Mathematics noong 1959 at MS Mathematics noong 1972 bilang Rockefeller Fellow. Nagsilbi siya ng halos dalawang dekada bilang Program Head ng programang Master in Arts in Mathematics, at sa mga gawaing ekstensyon tulad ng mga programa sa pagsasanay ng mga guro at pagsusulat ng iba pang mga aklat (gaya ng “Introduction to Calculus”). Naging aktibo din siya sa Mathematical Society of the Philippines, National Research Council of the Philippines at UP Sentro ng Wikang Filipino, kung saan naipamahagi ang kanyang mga pananaliksik tulad ng “Inversion by Conjugate Coordinates”, “Properties of Homothetic Functions”, “Filipino bilang Wika ng Panturo at Pagkatuto ng Matematika”.
Ang Linangan ng Matematika ay nakikiramay sa naulilang pamilya, lalo na sa na mga anak na sina Benito Jr., Dr. Ma. Caridad Joanne Natividad-Lloyd (na dating Assistant Professor ng Linangan) at Joshua. Nagpapasalamat kami sa lahat ng naiambag ng palangiti, maalalahanin at mapag-arugang dating kasamahang Propesor Caring Natividad.